Ipinagmamalaki ngayon ng mga netizens ang isang abogado sa Cebu na si Atty. Juril Broka Patiño. Pinatunayan niyang hindi lahat ng serbisyo ay may katumbas na pera, lalo na pagdating sa mga taong walang kakayahang ipaglaban ang sarili.
Ang tatlong magsasakang sina Mang Genaro Pepito, Mang Bernabe Pasay at Michael Pepito ay sinampahan ng trespassing at nakulong ng apat na araw. Nagtrabaho sila at nagpunla sa isang lupain na ipinagawa sa kanila ng nagpakilalang may-ari, ngunit may iba palang tunay na nagmamay-ari nito.
Dahil sa awa, nagpresenta si Atty. Patiño na maging abogado nila nang libre. "Ito rin ang rason ng aking pagkusang loob at nagpresenta bilang maging abogado nila sa kaso dahil naaawa ako sa kanilang kalagayan at libre ko nang ibinigay sa kanila ang aking serbisyo," ani ng abogado.
Nang mapawalang-sala ang tatlo, hindi na nila alam kung paano magpapasalamat. "Bilang pasasalamat nila sa akin, binigyan nila ulit ako ng kanilang mga makakaing mga pananim at native chicken," sabi niya.
"Malaking ang tuwa ko na natulungan ko sila sa kanilang problema. Mag-ingat kayo palagi Tatay Genaro at Tatay Bernabe at sayo dong Michael. Gabayan nawa kayo palagi ng Panginoon. To God be the Glory," saad pa nito.

0 Comments