Naglabas na ng Show Cause Order (SCO) ang Land Transportation Office (LTO) laban sa isang vlogger, sa driver, at sa rehistradong may-ari ng isang Toyota Land Cruiser matapos mag-viral ang kanilang video na nagdulot ng panganib at abala sa isang empleyado ng gasolinahan. Sa naturang video na kinunan sa Allacapan, Cagayan, makikita ang paghabol ng gas station attendant sa umaandar na sasakyan sa ilalim ng matinding sikat ng araw dahil sa pag-aakalang tatakas ang mga ito nang hindi nagbabayad, na kinalaunan ay lumabas na bahagi lamang ng isang "prank" para sa social media content.
Dahil sa insidenteng ito, agad na ipinag-utos ng LTO ang 90-araw na preventive suspension sa lisensya ng driver, habang inilagay naman sa alarm status ang sasakyang ginamit upang limitahan ang anumang transaksyon nito sa ahensya. Inaatasan ang mga sangkot na magsumite ng kanilang sinumpaang salaysay upang magpaliwanag kung bakit hindi sila dapat mapatawan ng mga administratibong kaso tulad ng reckless driving at kung bakit hindi sila dapat ituring na "improper persons to operate a motor vehicle."
Mariing binatikos ni LTO Chief Assistant Secretary Markus V. Lacanilao ang naturang gawain at binigyang-diin na hindi kailanman katanggap-tanggap ang pagiging iresponsable at mapang-abuso sa kapwa para lamang sa views o kita sa internet. Ayon sa pamunuan ng LTO, ang kalsada ay hindi lugar para sa mga biro na nakakasama sa dignidad at kaligtasan ng mga manggagawa, kaya naman asahan ang masusing imbestigasyon at kaukulang parusa para sa mga mapapatunayang nagkasala sa batas trapiko.
📸: GMA Public Affairs


0 Comments